Sabado, Enero 2, 2016
New Year's resolution
Paalam 2015. Maligayang pagdating 2016! Ngayong bagong taon, patok na patok na naman ang pagbabahagian ng kani-kaniyang "New year's resolution".
Ano nga ba ang sa akin? Narito ang aking "New year's resolution",
Una, kokontrolin ko na ang pag-kain ng marami lalo na ng mga "junk foods" at "softdrinks". Madalas kasi nakakaramdam ako ng hindi maganda dahil sa mga pagkaing maaalat at pag-inom ng softdrinks.
Pangalawa, maglalaan na ako ng mahabang oras para sa pag-eehersisyo. Pangatlo, susubukan ko ng maging mas pala-kaibigan. Tahimik at mas gusto ko kasi ang nag-iisa subalit naisip kong subukan naman ang makihalubilo sa iba. At panghuli, sisikapin ko ng magtipid at ingatan lahat ng bagay na mayroon at magkakaroon ako.
New Year's Eve
Bago sumapit ang alas dose ng hatinggabi, o ang pagsisimula ng panibagong taon, abala ang aking pamilya sa paglilinis sa loob at labas ng bahay at paghahanda ng mga pagkaing ihahain sa mesa.
Ganito rin ang ginagawa ng aming mga kapitbahay na sinasabayan ng malalakas na tugtugan at maiingay na paputok ang ginagawang paghahanda.
Sa oras na ang lahat ay nagsasaya habang nagsisindi ng kani-kanilang paputok, kami ay nananatili lamang sa loob ng bahay. Kahit kasi nagsasaya ay iniiwasan namin ang kapahamakan.
Habang papalapit nang papalalit ang bagong taon, papalakas nang papalakas rin ang ingay sa paligid. Sabik na sabik na nga talaga ang lahat.
Ngayong 2016, halo-halo ang aki g nararamdaman. Malungkot dahil maraming alaala na naman ang lumipas at masaya naman dahil panibagong taon, panibagong makikilala at panibagong pagkakataon muli.
Sana'y patuloy tayong gabayan ng ating Panginoon at magkaroon tayo ng positibong pananaw para sa positibong pamumuhay.
Araw ni Gat Jose Rizal
Isa sa mahahalagang araw ng Disyembre ay ang araw ng ating Pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal.
Jose Protacio Mercado Rizal Alonzo y Realonda ang buong pangalan ng ating mahal na bayani. Siya ay ipinanganak noong Hunyo 19, 1861 sa Calamba, Laguna sa mga magulang na sina Francisco Mercado Rizal at Teodora Alonzo y Realonda.
Siya ay may kakayahan at kasanayan sa pagsulat. Ilan na rito ay ang "Dula sa pista ng Paete", "Sa aking mga kabata" na tulang isinulat sa edad niyang pitong taong gulang at ang kahanga-hangang "Noli Me Tangere."
Si Rizal ay pumanaw noong Disyembre 30, 1896 sa Bagumbayan.
Para saan nga ba ang araw na ito? Para sa akin, ito ay para sariwain ang kabayanihan ng ating bayani, para patuloy na paalalahanan ang mga bagong henerasyon ng pagiging tunay na Pilipino at para magbigay-pugay sa mga alaalang naiwan ng ating Pambansang bayani.
Chistmas Eve!
Pasko na! Lubhang kakaiba talaga ang pasko sa Pilipinas. Nariyan ang nagniningning na mga kabahayan dulot ng makukulay na Christmas lights, mga sari-saring parol at masasayang tugtuging pampasko.
Ang pinaka nagpapasaya sa araw ng kapaskuhan ay ang kumpleto at sama-samang pamilya.
Bagaman hindi magarbo ang aming inihanda noong bisperas ng pasko, masaya at kuntento naman kami sa kung anong pagsasaluhan.
Masaya naming sinalubong ang pasko sa pagbubukas ng regalo. Masayang-masaya ang bawat isa sa amin lalo pa't kumpleto kami.
Wishlist
Ngayong kapaskuhan marami ang nasasabik.Nasasabik sa mga bagong kasuotan, masasarap na pagkain at hihit sa lahat, sa mga regalong matatanggap.
Kung noon, kasama sa "wishlist" ko, mga bagong damit at koleksyon ng mga kagamitan sa pagsusulat tulad ng mga kwaderno at iba't-ibang klase ng panulat.
Ngayon, ang nasa "wishlist" ko, sana ang lahat ay maging masaya kasama ng kani-kanilang pamilya.At sana hindi makalimutan ng lahat ang rason ng pagkakaroon ng kapaskuhan.Huwag sanang kalilimutang pasalamatan ang ating si Hesus.
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)