Huwebes, Agosto 27, 2015

bakit kailangang maging maingat sa paghahayag ng damdamin?

Bakit kinakailangang maging maingat sa paghahayag ng damdamin?

   Ang paghahayag ng damdamin ay isang paraan ng pakikipag-ugnayan.Kapag tayo ay masaya,malungkot,galit,naiinis,natutuwa o natatakot tayo ay nakakapaglabas ng saloobin.Subalit ang paghahayag ng saloobin ay kinakailangang sa paraang tayo ay maingat.Dahil ang ating nararamdaman o emosyon,ay nakakaapekto sa kung paano natin ipinahahayag ito.
  Halimbawa na lamang kapag tayo ay galit,dahil sa tindi ng galit na ating nararamdaman para sa isang tao,nakakapagsalita tayo ng hindi maganda na siguradong pagsisisihan natin kapag tayo ay natauhan na.
  Importante na sa bawat salitang ating binibitawan ay maging maingat tayo dahil ito ay hindi na mababawi pa.Maaaring makahingi pa tayo ng paumanhin subalit hindi na nito mababago ang mga oras na nakasakit tayo ng damdamin ng iba dahil lang sa maling pagpapahayag ng damdamin.
  Maging maingat sa bawat salitang bibitawan at siguraduhin munang kalmado ang sarili at isipin ang kalagayan ng taong pagsasabihan nang sa gayon ay maiwasan ang magkasakitan.

Miyerkules, Agosto 26, 2015

Damdamin sa pagkuha ng NCAE


   Alas singko ng umaga,gumising na ako upang maghanda sa pagpasok.Nagmamadali ako kumilos dahil inaalala ko na baka ako'y mahuli sa aming pagsusulit ngayon.Ngunit pagkarating sa eskwelahan,mahigit isang oras pa akong nag-antay sa pagsisimula nito.
  Nang dumating na ang aming tagapag-bantay,sinimulan na ang pagbabahagi ng mga sagutang papel.Ayon sa mga paalala ng aming mga guro,kailangang maging maingat at totoo sa pagsagot sa nga katanungan.
  Nakakapagod ang maghapong pag-upo at pagtingin sa mga bilog na kailangan markahan.Bukod sa maliit ay napakarami nito.Ngunit binawi naman ito sa tatlong beses na reses.
 Habang aking sinasagutan ang pagsusulit,naging mas malinaw sa akin kung ano nga ba talaga ang nais kong kuhaing kurso pagdating sa kolehiyo.
  Ipinagdarasal ko na lamang na ang aking sagutang papel ay basahin ng makinaryang gagamitin upang malaman ang resulta.

Miyerkules, Agosto 19, 2015

Paghahayag ng damdamin


    Ang maayos na komunikasyon sa pagitan ng dalawa o higit pang tao ay isang mahalagang salik ng mabuting ugnayan.
   Upang maihayag ang damdamin o saloobin, ito ay nangangailangan ng katapatan sa bawat salitang nais bitawan at kasiguraduhan sa nais bigkasin.
  May mga pagkakataon na ang pagbibigay saloobin ay madali lamang.Halimbawa sa mga argumentasyon o debate at pagkokomento sa isang bagay.Samantala,ang paghahayag ng damdamin sa kausap,kasama o sa ibang tao ay madalas hindi nagiging madali.Depende pa rin ito sa damdaming nais ipaalam.Halimbawa pagsasabi ng nararamdamang pagmamahal sa isang tao at pagsasabi ng hindi magandang nakikita sa kausap.
   Walang masama sa paghahayag ng damdamin.Basta't  isiping mabuti ang mga nais sabihin at isaalang-alang rin ang damdamin ng taong makakatanggap nito.

Lunes, Agosto 10, 2015

Ikalawang Markahan

Inaasahan ko sa Ikalawang Markahan
 
   Sinabi ko sa aking sarili na pipilitin ko na maging maayos ang pagganap ko sa markahang ito.Gagawin ko ang aking makakaya upang ang mga pagkakamali ko sa nakaraang markahan ay hindi ko na maulit.Inaasahan ko na bagama't magiging mas mapanghamon at madadagdagan ang mga dapat aralin,magiging mas masaya at mas marami na akong mauunawaan.Sa tulong ng kooperasyon ng aking mga kamiyembro,sa husay ng aking guro at sa pag-aaral ko ng mabuti alam ko na hindi ako mahihirapan ng lubos.

Paalam Unang Markahan



     Masaya at mapanghamon, ganito kung ilarawan ko ang Unang Markahan.Naging masaya ako sapagkat ang mga araling tinalakay sa markahang ito ay halos nakatuon sa iba't-ibang akda ng mga bansa sa Timog-Silangang Asya.Ang ilan ay hindi makatotohanan at ang iba naman ay naglalarawan sa totoong buhay.Ngunit nakasisiguro ako na sa bawat akdang nabasa ay tiyak na kinapulutan ng aral ng bawat isa.Napag-aralan rin ang mga araling tulad ng mga sumusunod; mga transitional devices at pang-ugnay (pangatnig,pang-abay,pang-ukol),uri ng tula at wastong gamit ng mga salitang naglalarawan.Kabilang rin sa mga natalakay ay ang Konotasyon at Denotasyon,Opinyon at Katotohanan.
Bagama't naging masaya ang markahan na ito para sa akin,aminado naman ako na hindi naging maganda ang pagganap ko sa klase.May mga pagsusulit na mababa ang nakukuha kong marka at mayroon rin akong isang takdang aralin na hindi naipasa.

Sabado, Agosto 8, 2015

Aking pinaka-nagustuhang "post"

http://kulotpalaako.blogspot.com/2015/08/walang-makakapigil-sakin-tama-na-yan.html

    Sa lahat ng mga posts ng ilan sa aking mga kamag-aral,pinaka-nagustuhan ko ang kay Ms.Lovely Rose Griarte.Ito ay tungkol sa pag-iingat sa mga saloobin na ipahahayag.
    Nagustuhan ko ang ipinaskil niyang ito dahil ito ay naglalaman ng mga makatotohanang pahayag o mga bagay na talaga namang hango sa tunay na gawain ng karamihan sa mga kabataan.
   Sa aking pagbabasa ng kanyang ipinaskil,ako ay naaliw sa paraan ng kanyang pagpapaskil.Hindi ito nakaka-bagot basahin at tiyak ko na naglalaman ito ng munting aral para sa lahat.

Ang Paborito Kong Maikling Kwento

"Ang Dalawang Anghel"

May Dalawang Anghel na naglalakbay.  Sa kanilang paglalakbay sila ay ginabi at naghanap ng matutuluyan.  May nakita silang malaking bahay. 

"Doon tayo!  Makiusap tayo baka tayo ay patuluyin nila!!!" sabi ng nakababatang anghel. 

"tok.. tok.. tok.." 

Bumukas ang pinto at isang matandang lalaki ang nagbukas ng pinto.  Ang leeg niya ay nakakasilaw dahil sa gintong kuwintas na kanyang suot. 

"Kami po ay ginabi sa paglalakbay, maaari po ba kaming makituloy...."  sabi ng nakatatandang anghel. 

Hindi agad nakasagot ang matanda at tinitigan sila.  Nagaalinlangan ang matanda sapagkat sila'y nakabalatkayo at hindi alam na sila ay mga anghel.  Ngunit dahil sa pakiusap ng mga anghel na nagbalatkaong tao sila rin ay pinatuloy.  Sila ay pinatulog sa isang masikip na kuwarto na may maatigas na higaan.  Hindi sila inalok ng makakain kahit na alam ng matandang mayaman na sila ay nangangatog na sa gutom.  Nung sila ay matutulog na, nakita ng nakatatandang anghel na may butas ang dingding ng kuwarto.  Inayos niya iyon at isinarado ang butas.  Nakatingin amang ang nakababatang anghel sa mga nangyari.   Kinabukasan, sila ay nagpasalamat at umalis na.  Naglakbay nanaman sila at napunta sa isang bukid. 

"Gutom na talaga ako!" sabi ng nakababatang anghel. 

"O sige teka lang... sa banda roon ay may maliit na kubo...  tingnan natin at tayo ay magtanong sa kanila.." 

Nung sila ay malapit na sa kubo nakita nila ang magasawang matanda.  Makikita sa kanilang tindig ang hirap ng buhay. 

"Magandang hapon sa inyo, kayo ba ay naligaw?" sabi ng matandang lalaki. 

"Ginabi na po kami at kami po ay nagugutom... Nakakahiya po ngunit manghihingi kami ng pabor na kung may konti kayong tinapay ay manghihingi po kami para kami ay makaraos sa gabing ito.."  Sabi ng nakatatandang anghel... 

"Oo meron kami dito at gabi na rin masyado para kayo ay maglakbay, kaya dto na kayo magpalipas ng gabi!" sabi ng matandang babae. 

Gutom man hindi pa rin masyadong nakakain ang nakababatang anghel sapagkat napansin niyang ang ibinigay sa kanila ay ang tanging pagkain ng mag-asawa. Inalok niya subalit ipinilit ng mga matatanda na sila ay kumain sapagkat sila ay malayo apa ang alakbayin kinabukasan.  Maliban doon, pinatulog sila ng mag-asawa sa kanilang higaan, at ang mga matanda ay natulog sa sahig. 



Kinabukasan, nagising ang nakababatang anghel sa isang malakas na iyak.  Lumabas siya at nakita ang matandang babae na umiiyak habang tinitignan ang asawang inaasikaso ang namatay na baka na tangi nilang kayamanan.  Bumalik sa loob ng kubo ang nakababatang anghel na may galit.  Hinarap ang isang anghel at sinabing

"bakit mo ito ginawa?  iyong mayamang matapobre hindi tayo inasikaso pero inayos mo pa ang dingding ng bahay niya.  Pero itong mga matatandang halos lahat ng mayroon sila ay inalay sa atin.. hinayaan mo pang mamatay ang baka nila...  Bakit???" 

"Naiintindihan ko ang ngitngit mo, munting anghel... Pero nung nandun tayo sa mansyon ng matndang matapobre na sinasabi mo..... nakita ko na may kayamanan sa butas ng dingding.. Hindi pa niya iyon nakikita.. At dahil sa masama ang ugali niya tinakpan ko iyon.... Kagabi naman, dumating ang anghel ng kamatayan.... kinukuha ang matandang babae... pero dahil mabait sila sa atin.. ang kanilang baka ang aking ibinigay...."


"Sa ating buhay, maraming ganitong kwento...  Kadalasan nauuna ang ating panghuhusga...  Pero ang ating nakikita ay maaaring hindi tulad ng ating inaakala.. Tayo ay binibiyayaan sa paraang madalas ay hindi natin alam...."

Sabado, Agosto 1, 2015

"Hawak Kamay"


Minsan madarama mong kay bigat ng problema
Minsan mahihirapan ka at masasabing "di ko na kaya"
Tumingin ka lang sa langit
Baka sakaling may masumpungan
Di kaya ako'y tawagin
Malalaman mong kahit kailan

[Chorus]
Hawak-kamay
Di kita iiwan sa paglakbay
Dito sa mundong walang katiyakan
Hawak-kamay
Di kita bibitawan sa paglalakbay
Sa mundo ng kawalan

Minsan madarama mo
Ang mundo'y gumuho sa ilalim ng iyong mga paa
At ang agos ng problema'y tinatangay ka
Tumingin ka lang sa langit
Baka sakaling may masumpungan
Di kaya ako'y tawagin

Malalaman mong kahit kailan

[Chorus]
Hawak-kamay
Di kita iiwan sa paglakbay
Dito sa mundong walang katiyakan
Hawak-kamay
Di kita bibitawan sa paglalakbay
Sa mundo ng kawalan

[Bridge]
Wag mong sabihin nag-iisa ka
Laging isipin meron kang kasama
Narito ako oh, Narito ako

[repeat Chorus]

Sa mundo ng kawalan
Hawak-kamay, Hawak-kamay
Sa mundo ng kawalan

"Hawak Kamay" ni Yeng Constantino ang isa sa mga paborito kong kanta dahil sa napaka-gandang mensahe nito.
Ito ay nagpapahiwatig na bawat pagsubok na dumating sa ating buhay ay hindi maiiwasan na maiisip natin na sumuko na.Ngunit ang Diyos ay parati lamang narito upang gabayan tayo sa araw-araw.Palagi ring mayroong mga taong handang dumamay sa atin sa oras ng kalungkutan kahirapan maging ng kasiyahan.Nagbibigay pag-asa ito para sa akin na hindi tayo nag-iisa kailanman.