"Katangian ng isang lider"
Magtatapos na naman ang taong panuntunan ng paaralan.Kailangan na naman nating pumili ng mga bagong miyembro ng SSG. Mga miyembrong magsisilbing lider ng lahat ng mag-aaral ng Mambugan National High School.
Ano nga ba ang mga katangiang dapat taglayin ng SSG? Sa tingin ko, una,kailangan ang disiplinang magmumula sa sarili. Ang isang lider ay hindi magiging epektibong taga-disiplina kung mismong sarili nito ay hindi nagagawang disiplinahin. Lahat ng mga batas o palatuntunan sa paaralan ay dapat masigurong sinusunod nito.
Pangalawa, may kakayahang pasunurin ang mga mag-aaral. Kung sa loob pa lamang ng klase, hindi nito kayang maging isang responsable at mabuting lider sa mga pangkatang gawain o sa mismong mga kaklase nito, sa tingin ko ay hindi ito magiging epektibong pinuno. Dahil naniniwala akong dapat magsimula muna sa pamumuno sa maliit na bilang ng nasasakupan bago mamuno sa mas malaking nasasakupan .
Pangatlo, masipag at mapagkakatiwalaan. Mahalaga na ang isang lider ay masipag. Ang pagiging bahagi ng organisasyong ito ay isang malaking responsibilidad na dapat gampanan. Dapat ang trabaho ay masigurong maayos, malinis at naisasagawa sa mas maagang oras. Hindi rin dapat mapabayaan ang sariling pag-aaral. Mas mabuti kung sa parehong bagay na ito ay maganda ang nagagawa. Kailangan lang ng matinding "Time Management". Mahalaga rin na ito'y mapagkakatiwalaan.
Hindi biro ang humawak ng posisyon sa SSG. Kailangang pinagdedesisyunang mabuti ang pagsali rito dahil hindi ito isang laro na kapag nagsawa ka na,ititigil mo na ang laban. Pinaghahandaan at pinag-aaralang mabuti ang bagay na ito. Isa itong malaking responsibilidad dahil hindi lamang ang sariling kaayusan ang nakataya kundi ng buong paaralan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento