Sabado, Marso 19, 2016

"Mga natutunan sa Asignaturang Filipino"

Natutunan sa Asignaturang Filipino  Kayraming bagay akong natutunan sa Asignaturang ito. Mula sa mga akdang aming tinalakay na punong-puno ng makabuluhang pangyayari. Dahil sa mga akdang ito, tila kami'y naroon mismo sa bansang tinutukoy ng akda. Nakikilala namin ang kulturang mayroon ang mga ito at kung may pagkakaiba at pagkakatulad ito sa ating bansa.  Maging ang paggawa ng tula na akala ko noo'y magkatulad lamang ang Pilipinas at bansang Hapon sa paraan ng paglikha ng tula.  Ilan rin sa mga araling aking natutunan ngayong baitang 9 ay ang mga sumusunod; pagkakaiba ng konotasyon sa denotasyon, pagbibigay kahulugan sa malalalim na salita, mga paraan ng pagpapahayag ng damdamin, paggawa ng salaysay, kung ano ang elehiya at marami pang iba.  Pagsapit naman ng ikaapat na markahan, tuluyan na naming isinara ang aklat na aming ginamit sa loob ng tatlong markahan at kasabay nito ang pagbubukas ng isang aklat na punong-puno ng mga nakakaaliw na pangyayari. Ito ay ang Noli Me Tangere na isinulat ng ating Pambansang bayani. Ang aklat na ito ay mayaman sa mga eksenang nagpapakita ng aksyon, drama at puno ng pagmamahal.  Sa tuwing binabasa namin ang bawat kabanata tila ako'y bahagi ng bawat eksenang ipinapakita rito. Nararamdaman ko ang pait ng mga pangyayaring naranasan ni Crisostomo Ibarra, ang ligaya at pagmamahal na mayroon si Maria Clara sa tuwing kaharap nito ang sinisinta, at ang sakit sa pusong iniinda ni Sisa sa panahong sya'y nawalay sa mga anak.  Bawat kabanata'y kapupulutan ng inspirasyon at mga aral na paniguradong kinakailangan ng mga kabataang namulat na sa makabagong panahon.

3 komento: