Sabado, Marso 19, 2016

"Mensahe para sa aking Guro sa Filipino"

Mensahe para sa aking Guro
 Hindi lahat ng mag-aaral ng aming paaralan ay nagkaroon ng pagkakataong magkaroon ng isang Gurong HANEP sa lahat ng bagay.
 Hanep sa talino, hanep sa husay sa pagtuturo, hanep sa pagmamahal sa kanyang pamilya, hanep sa pagsuporta sa aming section, hanep sa pagbibigay ng mga payong hanep rin sa hugot, hanep sa pagbibigay-saya, hanep sa kasipagan at syempre, hanep sa posturang nakakapagpabata ng kanyang tunay na edad. S'ya lang naman ang aming guro sa Filipino smile emoticon.
 Para po sa aming guro na si Gng.HANEP, maraming salamat po sa halos isang taong pagtuturo ninyo sa amin. Ang asignaturang Filipino ay tuluyang naging makulay dahil sa saya na inyong hatid. Naniniwala po kasi ako na ang isang bagay na punong-puno ng magagandang bagay ay kukulangin at kukulangin kung ang nagtuturo nito ay basta lamang pumapasok at lumalabas sa aming silid.
 Maraming salamat po sa minsan ninyong pagbabahagi ng inyong sariling karanasan upang makakonekta kami sa inyong mga itinuturo.
 Maraming salamat po dahil madalas ay nararamdaman po naming tila may isang kaibigan, nanay, tatay, ate, kuya kaming nakatayo sa aming harapan.
 Maraming salamat po dahil tila kayo lamang po ang kahit kailan hindi nagkumpara sa amin sa ibang mga mag-aaral. Hindi po ninyo kailanman pinababa ang aming kumpyansa sa sarili bagkus ay dinagdagan pa po ninyo ito.
 Maraming salamat po dahil madalas nakikipaghalubilo kayo sa tuwing kami'y naglolokohan.
 Salamat po sa araw-araw na pumapasok kayong masayang bumabati sa amin. Kahit pa malaman ninyong ang iba'y walang gawang takdang aralin, hindi po kayo nagiging isang buwayang handaang kainin ang sinumang hindi handa sa inyong klase.
 Pasensya na po sa mga pagkakataong sumasakit ang inyong ulo dahil sa amin. Marami pa po akong nais ipagpasalamat sa inyo subalit tila napaka-haba na ng aking mensahe. Ito na lamang po ang aking sasabihin, maraming salamat po, maraming salamat po, maraming salamat po. Hindi po ako magsasawang magpasalamat sa isang gurong HANEP sa lahat ng bagay. MARAMING SALAMAT PO smile emoticon:)
Chat Conversation End

"Mga natutunan sa Asignaturang Filipino"

Natutunan sa Asignaturang Filipino  Kayraming bagay akong natutunan sa Asignaturang ito. Mula sa mga akdang aming tinalakay na punong-puno ng makabuluhang pangyayari. Dahil sa mga akdang ito, tila kami'y naroon mismo sa bansang tinutukoy ng akda. Nakikilala namin ang kulturang mayroon ang mga ito at kung may pagkakaiba at pagkakatulad ito sa ating bansa.  Maging ang paggawa ng tula na akala ko noo'y magkatulad lamang ang Pilipinas at bansang Hapon sa paraan ng paglikha ng tula.  Ilan rin sa mga araling aking natutunan ngayong baitang 9 ay ang mga sumusunod; pagkakaiba ng konotasyon sa denotasyon, pagbibigay kahulugan sa malalalim na salita, mga paraan ng pagpapahayag ng damdamin, paggawa ng salaysay, kung ano ang elehiya at marami pang iba.  Pagsapit naman ng ikaapat na markahan, tuluyan na naming isinara ang aklat na aming ginamit sa loob ng tatlong markahan at kasabay nito ang pagbubukas ng isang aklat na punong-puno ng mga nakakaaliw na pangyayari. Ito ay ang Noli Me Tangere na isinulat ng ating Pambansang bayani. Ang aklat na ito ay mayaman sa mga eksenang nagpapakita ng aksyon, drama at puno ng pagmamahal.  Sa tuwing binabasa namin ang bawat kabanata tila ako'y bahagi ng bawat eksenang ipinapakita rito. Nararamdaman ko ang pait ng mga pangyayaring naranasan ni Crisostomo Ibarra, ang ligaya at pagmamahal na mayroon si Maria Clara sa tuwing kaharap nito ang sinisinta, at ang sakit sa pusong iniinda ni Sisa sa panahong sya'y nawalay sa mga anak.  Bawat kabanata'y kapupulutan ng inspirasyon at mga aral na paniguradong kinakailangan ng mga kabataang namulat na sa makabagong panahon.

"Karansan sa Asignaturang Filipino"

Karanasan sa Asignaturang Filipino  Ang asignaturang Filipino ay nagturo aa aking pahalagahan ang kultura/lahing mayroon ako. Naginh masaya ang asignaturang ito para sa akin dahil sa loob ng halos isang taon ay nagkaroon kami ng Gurong hindi nakakaligtaang pahiran ng saya ang pagtuturo niya sa amin.  Sa mga kadalasang pangkatang gawain ay lubos kong nauunawaan ang bawat leksyon sa amin. Sabihin mang nakakapagod dahil kinakailangang magtulungan ang bawat isa upang makakuha ng mataas na marka sa kooperasyon, napapawi naman ito ng mga komentong positibo ng aming guro na nakakapagpasaya sa amin at ng mga negatibong komentong humahasa pa sa amin.  Lubos ko ring ikinatutuwa ang madalas na paggawa ng mga essays/talata na may kinalaman sa aralin. Nakakabagot man para sa ilan, ito ang pinaka-masayang gawain para sa akin.  Maging ang pagbabasa ay akin ring kinahihiligan lalo na kung ito'y punong-puno ng mga karakter at mga pangyayaring nagpapalawak ng aking imahinasyon.  Ilan lamang ito sa mga karanasan ko sa asignaturang Filipino. Batid kong ang masasayang karanasan ko'y maging karanasan rin ng mga susunod sa amin. Karanasang punong-puno ng saya at aral.

"Paborito noon at ngayon"

 Kasabay ng paglipas ng panahon, nagbabago ang maraming bagay sa atin. Nagbabago ang kung anong gusto nating madalas kainin, kung anong madalas gawin, estilo ng pananamit at maging ang pag-uugali sa isang bagay o tao sa ibang pagkakataon.Bunga ito ng impluwensya ng mga bagay na umuusbong araw-araw.
 May mga bagay pa rin namang masasabi nating hindi nagbabago o mga bagay na ating "paborito". Kagaya na lamang noon ay hilig ko na ang panunuod ng mga pelikulang punong-puno ng "adventures" at kakaibang "love story", ilan rito ay ang "Nim's Island", "Bridge to Terrabithia", "Journey to the Center of the Earth", "Twilight" at marami pang iba. Paborito ko ring gawin noon ay ang pagbabasa ng mga kwentong "magical" hanggang ngayon ay paborito ko itong gawing pampalipas oras.  Ilan lamang ito sa mga paborito kong gawin noon hanggang ngayon. Nakakaramdam ako ng saya sa tuwing ginagawa ko ang mga ito kaya masasabi  kong paborito ko ito mula noon hanggang ngayon.

Linggo, Pebrero 14, 2016

"Katangian ng isang lider"

 Magtatapos na naman ang taong panuntunan ng paaralan.Kailangan na naman nating pumili ng mga bagong miyembro ng SSG. Mga miyembrong magsisilbing lider ng lahat ng mag-aaral ng Mambugan National High School.  Ano nga ba ang mga katangiang dapat taglayin ng SSG? Sa tingin ko, una,kailangan ang disiplinang magmumula sa sarili. Ang isang lider ay hindi magiging epektibong taga-disiplina kung mismong sarili nito ay hindi nagagawang disiplinahin. Lahat ng mga batas o palatuntunan sa paaralan ay dapat masigurong sinusunod nito.  Pangalawa, may kakayahang pasunurin ang mga mag-aaral. Kung sa loob pa lamang ng klase, hindi nito kayang maging isang responsable at mabuting lider sa mga pangkatang gawain o sa mismong mga kaklase nito, sa tingin ko ay hindi ito magiging epektibong pinuno. Dahil naniniwala akong dapat magsimula muna sa pamumuno sa maliit na bilang ng nasasakupan bago mamuno sa mas malaking nasasakupan .  Pangatlo, masipag at mapagkakatiwalaan. Mahalaga na ang isang lider ay masipag. Ang pagiging bahagi ng organisasyong ito ay isang malaking responsibilidad na dapat gampanan. Dapat ang trabaho ay masigurong maayos, malinis at naisasagawa sa mas maagang oras. Hindi rin dapat mapabayaan ang sariling pag-aaral. Mas mabuti kung sa parehong bagay na ito ay maganda ang nagagawa. Kailangan lang ng matinding "Time Management". Mahalaga rin na ito'y mapagkakatiwalaan.  Hindi biro ang humawak ng posisyon sa SSG. Kailangang pinagdedesisyunang mabuti ang pagsali rito dahil hindi ito isang laro na kapag nagsawa ka na,ititigil mo na ang laban. Pinaghahandaan at pinag-aaralang mabuti ang bagay na ito. Isa itong malaking responsibilidad dahil hindi lamang ang sariling kaayusan ang nakataya kundi ng buong paaralan.

"Sineryoso noon,' di na ngayon"

Noon,tuwing madadapa ako at masusugatan, kahit iyo ay napaka-liit lamang o gasgas lang, iniiyakan ko na ito sa pag-iisip na may lalabas ritong kainin, pari o kabayo.  Ngayon, sa tuwing ako'y masusugatan kahit pa sobrang sakit na, hindi ko na lamang pinapansin dahil ngayon, mas maraming importanteng bagay ang dapat kong pagtuunan ng pansin kaysa sa nararamdaman ko.  Noon, sineseryoso ko sa tuwing magagalit ang aking ina. Iniisip ko na baka palayasin ako nito kung kaya nagtatago na lamang ako.  Ngayon, hinahayaan ko na lamang na magalit ito at palilipasin na lamang ang galit nito pagkatapos ay wala na.  Natatawa na lamang ako sa tuwing maaalala ko ang mga ito .. Ilan lamang ito sa mga bagay na sineryoso noon hindi na ngayon.

Araw ng mga PUSO

Araw ng mga PUSO heart emoticon

Tuwing Pebrero 14 ay ipinagdiriwang natin ang Araw ng mga Puso.Marami ang masaya,nasasabik at mayroon ring mga walang pakialam."Bitter" kung ituring.
 Para saan ba ang araw na ito? Syempre tungkol sa Puso sa'n pa nga ba? Ipinagdiriwang ito para sa lahat ng taong nagmamahal at minamahal. Hindi lamang ito para sa mga mag-kasintahan, magkaibigan kundi para rin sa pamilya.Para sa akin, mahalaga pa ring ipagdiwang ang araw na ito dahil karamihan sa atin ay wala ng oras para sa mga taong mahal natin.Isa itong paraan upang maipakita o maiparamdam na mahal na mahal natin sila.
 Hindi man araw-araw ay Pebrero 14, mahalaga na maiparamdam natin kahit sa pinaka-simpleng paraan ang pagmamahal natin para sa kanila.

Sabado, Enero 2, 2016

New Year's resolution


 Paalam 2015. Maligayang pagdating 2016! Ngayong bagong taon, patok na patok na naman ang pagbabahagian ng kani-kaniyang "New year's resolution".
 Ano nga ba ang sa akin? Narito ang aking "New year's resolution",
 Una, kokontrolin ko na ang pag-kain ng marami lalo na ng mga "junk foods" at "softdrinks". Madalas kasi nakakaramdam ako ng hindi maganda dahil sa mga pagkaing maaalat at pag-inom ng softdrinks.
 Pangalawa, maglalaan na ako ng mahabang oras para sa pag-eehersisyo. Pangatlo, susubukan ko ng maging mas pala-kaibigan. Tahimik at mas gusto ko kasi ang nag-iisa subalit naisip kong subukan naman ang makihalubilo sa iba. At panghuli, sisikapin ko ng magtipid at ingatan lahat ng bagay na mayroon at magkakaroon ako.

New Year's Eve


 Bago sumapit ang alas dose ng hatinggabi, o ang pagsisimula ng panibagong taon, abala ang aking pamilya sa paglilinis sa loob at labas ng bahay at paghahanda ng mga pagkaing ihahain sa mesa.
 Ganito rin ang ginagawa ng aming mga kapitbahay na sinasabayan ng malalakas  na tugtugan at maiingay na paputok ang ginagawang paghahanda.
 Sa oras na ang lahat ay nagsasaya habang nagsisindi ng kani-kanilang paputok, kami ay nananatili lamang sa loob ng bahay. Kahit kasi nagsasaya ay iniiwasan namin ang kapahamakan.
 Habang papalapit nang papalalit ang bagong taon, papalakas nang papalakas rin ang ingay sa paligid. Sabik na sabik na nga talaga ang lahat.
 Ngayong 2016, halo-halo ang aki g nararamdaman. Malungkot dahil maraming alaala na naman ang lumipas at masaya naman dahil panibagong taon, panibagong makikilala at panibagong pagkakataon muli.
 Sana'y patuloy tayong gabayan ng ating Panginoon at magkaroon tayo ng positibong pananaw para sa positibong pamumuhay.

Araw ni Gat Jose Rizal


 Isa sa mahahalagang araw ng Disyembre ay ang araw ng ating Pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal.
 Jose Protacio Mercado Rizal Alonzo y Realonda ang buong pangalan ng ating mahal na bayani. Siya ay ipinanganak noong Hunyo 19, 1861 sa Calamba, Laguna sa mga magulang na sina Francisco Mercado Rizal at Teodora Alonzo y Realonda.
 Siya ay may kakayahan at kasanayan sa pagsulat. Ilan na rito ay ang "Dula sa pista ng Paete", "Sa aking mga kabata" na tulang isinulat sa edad niyang pitong taong gulang at ang kahanga-hangang "Noli Me Tangere."
 Si Rizal ay pumanaw noong Disyembre 30, 1896 sa Bagumbayan.
 Para saan nga ba ang araw na ito? Para sa akin, ito ay para sariwain ang kabayanihan ng ating bayani, para patuloy na paalalahanan ang mga bagong henerasyon ng pagiging tunay na Pilipino at para magbigay-pugay sa mga alaalang naiwan ng ating Pambansang bayani.

Chistmas Eve!


 Pasko na! Lubhang kakaiba talaga ang pasko sa Pilipinas. Nariyan ang nagniningning na mga kabahayan dulot ng makukulay na Christmas lights, mga sari-saring parol at masasayang tugtuging pampasko.
 Ang pinaka nagpapasaya sa araw ng kapaskuhan ay ang kumpleto at sama-samang pamilya.
 Bagaman hindi magarbo ang aming inihanda noong bisperas ng pasko, masaya at kuntento naman kami sa kung anong pagsasaluhan.
 Masaya naming sinalubong ang pasko sa pagbubukas ng regalo. Masayang-masaya ang bawat isa sa amin lalo pa't kumpleto kami.

Wishlist


 Ngayong kapaskuhan marami ang nasasabik.Nasasabik sa mga bagong kasuotan, masasarap na pagkain at hihit sa lahat, sa mga regalong matatanggap.
 Kung noon, kasama sa "wishlist" ko, mga bagong damit at koleksyon ng mga kagamitan sa pagsusulat tulad ng mga kwaderno at iba't-ibang klase ng panulat.
 Ngayon, ang nasa "wishlist" ko, sana ang lahat ay maging masaya kasama ng kani-kanilang pamilya.At sana hindi makalimutan ng lahat ang rason ng pagkakaroon ng kapaskuhan.Huwag sanang kalilimutang pasalamatan ang ating si Hesus.